Ngayong Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, nananawagan ang PKKK na wakasan ang VAW at wakasan ang Rape Culture! Isulong ang karapatan ng kababaihan! I-lockdown ang karahasan!
Nitong panahon ng COVID-19 lockdown, samu’t saring ulat ng Gender-Based Violence (GBV) ang namonitor ng aming mga lider kababaihan, sampu (10) ay kaso ng rape na pawang kabataan. Sa pambansang datos ayon sa PNP, sa unang tatlong buwan ng ECQ, lumabas na may 11 kada araw ang nare-rape, 8 dito ay bata.
Ang rape ay isa sa pinakamalalang uri ng karahasan sa ating lipunan. Ito ay paglabag sa karapatang pantao. ITO AY HINDI BIRO. Obligasyon ng estado na maproteksyunan ang kababaihan at kabataan sa rape sa lahat ng panahon, lalo na sa panahon ng community quarantine kung saan maaring kasama ng biktima sa tahanan ang mga perpetrators o di kaya ay hirap magsumbong dahil sa limitadong pagkilos.
Kaisa ang PKKK sa pagbabantay sa karapatan natin sa isang ligtas na komunidad – malaya sa karahasan! Bitbitin natin ang kampanya ng 16 Days of Activism to End VAW sa buong taon.
Araw-araw nangyayari ang rape, araw-araw din nating isigaw -Wakasan na ang rape! Wakasan na ang VAW!