PAHAYAG SA INTERNATIONAL RURAL WOMEN’S DAY 2022

Author:

Ngayong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Kanayunan, ika-15 ng Oktubre, binibigyang-pagpupugay ng Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan (PKKK) ang mga kababaihan at kabataang babae sa kanayunan para sa ‘di-matatawarang kontribusyon sa pagtaguyod ng karapatan ng kababaihan, hustisya sa klima, pagseguro sa produksyon at akses sa pagkain, pagtugon sa mga isyung pangkalusugan, at pagtanggol sa lupang ninuno. Makalipas ang halos tatlong taon ng pandemya at mga nagdaang matitinding bagyo, hindi pa rin dama ang makatarungang pagtugon sa hinaing ng mga kababaihang magsasaka, mamalakaya, katutubo, manggagawang impormal, at kabataan. Bukod sa dagok ng pagkasira ng mga pananim dahil sa bagyo, patuloy din ang pagkalugi ng mga magbubukid at mangingisda dahil sa murang imported na produkto. Nariyan ang mga polisiya gaya ng Rice Tariffication Law (RTL) at Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na bumabalangkas sa liberalisasyon sa sektor ng agrikultura at pangisdaan. Samantala, pataas nang pataas ang presyo ng gasolina. Ang kasalukuyang inflation rate na 6.9% ay ang pinakamataas sa nakalipas na labing apat na taon. Dumaranas tayo ng krisis sa agri-food inflation na dagdag dahilan upang mas lumaki ang pag-angkat ng mga produktong pagkain. Laganap ang kawalan ng trabaho at mga nawalan ng hanapbuhay, patuloy na lumolobo ang utang ng bansa, na tinatayang nasa higit P12 trillion na. Sa lahat ng ito, pangunahing naaapektuhan ang mga komunidad na malayo sa sentro ng kaunlaran—ang mga kababaihan sa kanayunan.Malaking isyu sa kababaihan sa kanayunan ang kakulangan ng akses sa subsidyo, produktibong serbisyo at maging ayuda sa tuwing may kalamidad. Hanggang ngayon ay hindi pa rin lubusang kinikilala ang kababaihan na mga magbubukid at mangingisda. Hindi awtomatikong nirerehistro ang kababaihan sa Registry System for Basic Sector in Agriculture (RSBSA) dahil may pagkiling pa rin sa lalaki bilang household head at bilang magsasaka at mangingisda. Panahon na para kilalanin ang malaking ambag ng kababaihan sa produksyon ng pagkain, gawaing pagkalinga, at pagresponde sa krisis at sakuna. Nararapat suportahan ang lokal na produksyon upang maiwasan ang pag-angkat ng mga agrikultural na pagkain. Kaugnay nito nararapat din na itigil ang mga kumbersyon ng lupang agrikultural, gayundin itigil ang reklamasyon at mga proyekto sa mga baybay dagat na naglilimita sa paggamit ng mga maliliit na mangingisda. Upang maiangat ang kalagayan ng mga kababaihan sa kanayunan, kasabay ng pag-angat ng kasarinlan sa pagkain, PADAYON kami sa panawagan na:
● Itigil ang pagdepende sa mga imported na pagkain at repasuhin ang mga polisiyang nagbubukas o nagliliberalize sa agrikultura.
● Bigyan ng sapat na proteksyon at subsidy para sa maliliit na magsasaka at mangingisda, lalong higit ang mga apektado ng Rice Tariffication Law (RA11203) at ng krisis sa klima at kalamidad.
● Siguraduhin ang makatarungang presyo sa produkto ng magsasaka at mangingisda. Magdagdag ang pamahalaan ng subsidyo na pambili sa produkto para hindi lugi sa cost of production at may tiyak na market o pamilihan. Sa ganitong paraan din ay naipapakita natin ang sektor ng agrikultura ay maaring lumikha ng trabaho at magandang oportunidad para sa mga kabataan sa kanayunan.
● Bigyan ng social protection at serbisyong pangkalusugan sa ang mga magsasaka at mangingisda. Siguruhing walang maiiwan, lalo na ang mga sexual and reproductive health services.
● Bigyang proteksyon ang integridad ng mga likas yamang pinagkukunan ng pagkain at tubig, gaya ng mga lupaing agrikultural, kabundukan at karagatan, lalong higit ang mga kagubatan, watershed, at lupaing ninuno.
● Bigyang-proteksyon din ang mga tradisyunal na binhi at seguruhin na mabigyang-suporta at badyet ang mga community seedbank na papangunahan ng kababaihan.
● Tutulan ang mga proyektong higit lamang nakapagpapalala sa pag-init ng mundo o global warming, gaya ng mga fossil gas (coal at LNG) power plants. Habang pinapanawagan ang lahat ng ito, kailangang seguruhing ligtas mula sa anumang uri ng karahasan batay sa kasarian, o gender-based violence, ang kababaihan. Isa sa bawat apat na babaeng Pilipino ang nakakaranas ng karahasan, inaasahang mas tago at hindi ito napapag-usapan sa kanayunan, lalo na nung mag-lockdown.

Nananawagan ang PKKK sa bagong pamunuan sa bansa, sa iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan, mga mambabatas at taga-gawa ng mga polisiya na KUMILOS at unahin ang lumalalang krisis sa pagkain at agrikultura. Paraan ito upang maipakita na seryoso ang gobyerno sa kanilang suporta para sa mga kababaihang magsasaka, mamalakaya, katutubo, manggagawang impormal, at kabataan sa kanayunan. Ang pagsuporta sa lumilikha ng pagkain ay suporta din sa lahat ng mamamayang kumakain. Sa ganitong panahon na patong-patong ang mga hamon, obligasyon ng pamahalaan na tumugon, dahil ANG MGA BABAE SA NAYON, PADAYON!

#internationalruralwomenday

#IRWD

#IndayChika

#FoodSovereigntyNow

#ClimateJusticeNow

#SRHRmatters