Panawagan ng mga Kababaihang Magsasaka sa Patuloy na Pagtaas ng Presyo ng Pangunahing Bilihin

Hindi makatao ang patuloy na pag-angat ng presyo ng pangunahing bilihin tulad ng asukal, sibuyas, at itlog—mga produktong pinuhunan ng dugo at pawis ng mga manggagawa sa agrikultura. Sila na nagtatanim at nag-aani ng ating pang-araw-araw na kinakain ay hindi man lang makakain nang sapat. Dahil sa pag-aangkat ng mga produkto upang magkaroon ng mas murang bilihin, nahihirapang makipagkompitensya ang mga lokal na magsasaka. Isa ito sa mga dahilan kung bakit tinututulan ang pagratipika ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) trade agreement.

Ang mga mamamayan ay tatangkilikin ang mga pinabagsak na presyong imported at manghihinayang bumili ng lokal na produktong mas mataas ang presyo. Magreresulta ito sa pagpatay ng lokal na ekonomiya at agrikultura. Nalulugmok ang mga magsasaka sa kahirapan dahil sa kamahalan ng presyo ng binhi at mababang halaga ng pagbenta ng ani. Dadgdag pa rito ang pinsala ng pagsalanta ng mga kalamidad. Magdudulot din ito ng paghihirap sa mga mamamayang minimum wage lamang o mas mababa pa ang sinasahod na mamuhay sa pang araw-araw dahil hindi kakayaning bumili ng pangunahing bilihin.

Patuloy ang pagpapabaya sa sektor ng agrikultura kaya panayam ng PKKK president na si Janel Geconcillo na “kailangan bigyang-pansin at suportahan ng gobyerno ang lokal na agrikultura.”

Upang matulungan ang ating mga kapatid na magsasaka at mangingisda, kailangan silang pakinggan at bigyan ng platapormang maipahayag ang kanilang pangangailangan at mapabuti ang kanilang kalagayan sa mga usaping gaya ng Coco Levy Fund: 1) Kailangang mabigyan ng representasyon sa Philippine Coconut Authority ang mga magsasaka ng niyog upang maging mas malawak ang kanilang kaalaman sa mga imprastrakturang makakatulong sa kanila at sa mga pananaliksik na magpapalaganap sa industriya ng niyog; 2) Paninigurado na lahat ng nakikilahok sa mga gawain ng agrikultura ay mapapasama sa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) lalo na ang mga kababaihan sa kanayunan, at 3) Ang pagsasaayos ng RSBSA upang mapadali ang daloy ng mga programa ng Department of Agriculture na makakatulong sa mga magsasaka, lalo na na sa panahon ng kalamidad at krisis.

Ang pag-unlad ng mga magsasaka at mangingisda ang solusyon sa pagkamit ng tunay na kasarinlan sa pagkain para sa lahat ng Pilipino. Kaya kinakailangan na ang mga namumuno ay nakikiisa at sumusuporta sa ating mga kapatid na magasaka at mangingisda at may puso para sa pagserbisyo nang buong-buo at tunay.

Huwag isantabi ang mga kamay na bumubuhay sa atin. Isulong ang kagalingan ng manggagawa sa agrikultura.

Mula sa Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan

Pebrero 6, 2023

Recent PKKK News
Connect with us