International Women’s Day

PAKIKIISA NG PAMBANSANG KOALISYON NG KABABAIHAN SA KANAYUNAN (PKKK)

SA PANDAIGDIGANG ARAW NG MGA KABABAIHAN!

Pagpupugay sa araw na ito sa lakas at kapangyarihan ng mga kababaihan. Isang taon na ang pandemya at katakot-takot na hamon ang kinaharap ng mga kababaihan at ng kanilang pamilya. Batid natin na ang karamihan sa mga suliraning ito ay hindi bago. Sa mga nasa kanayunan na higit na apektado ng pagbagsak ng ekonomiya, pagkalugi ng sakahan, paghahayupan at pangisdaan, pag-abandona ng gobyerno at higit na pagpabor sa mga imported na produkto, gayundin ang pinsala ng matinding pagbabago sa klima at maging mga minahan, kasama na ang mala-teroristant pananakot ng estado sa mga lokal na samahan at mga pagkilos ng kababaihan – ang pandemya ay nagsilbing patunay na ang kasalukuyang mga polisiya, programa at pamamahala ay kapos para sabihing ito ay maka-babae.

Tunay na niligalig tayo sa nakaraang taon, pero tunay din namang hindi tayo nagpalupig. Ang taong 2021 ay pagpapatuloy ng sigasig ng kababaihan, pagpupugay sa mga lider kababaihang hindi nagpapigil:

  • Silang hindi nagtiis magutom ang pamilya at naging malikhain sa paghahanap buhay;
  • Silang nanawagan ng makatarungang presyo sa produkto at pagkain, hindi yung basta imported ay tatanggpin,
  • Silang hindi nagpapigil lumabas sa tahanan lalo na kung kalusugan at kaligtasan ang usaping nakasalalay, lalo na upang ipagtanggol ang mga inaabusong bata at kababaihan, lalo na kung para isalba ang sarili mula sa karahasan;
  • Silang patuloy na nananawagan ng hustisya at hindi lamang simpleng ayuda, gaya ng pagpapatupad ng pangmatagalang social protection para sa lahat ng edad;
  • Silang matapang na tumugon sa hagupit ng bagyo at iba pang kalamidad;
  • Silang namahagi ng tamang impormasyon sa panahong kaalaman sa pandemya ay salat;
  • Silang boluntaryong nagbabantay sa mga checkpoints, health centers, at nagbabahay-bahay para tiyaking lahat ay malusog at may pagkalinga;
  • Silang nagsasalita upang mabilang at tiyaking naisasama sa mga rehistrasyon at listahan ang kababaihan; gaya ng Registry System of basic sectors in agriculture; 
  • Silang di natatakot magtanong at maging mapanuri, sapagkat naniniwala pa rin sa kalayaang ginagarantiya ng Konstitusyon, kahit pa naisabatas na ang Anti-Terror Law;
  • Silang di mangingiming magsabi ng HINDI sa mga bagay na di rumerespeto sa kanyang sarili.

Pagpupugay sa katapangang ito ng kababaihan. At kung sakaling pinapangarap pa lang natin ang ganyang mga katangian at gawi, mabuhay ka, unang hakbang nay an sa ating sama-samang paglaya!

Recent PKKK News
Connect with us